Mabuti na magkaroon ng malinaw na larawan kung gaano karaming pera ang iyong ginagastos kumpara sa kung magkano ang iyong kinikita. Kung mayroon kang mataas na interes na utang, maaaring makatulong na gumawa ng plano na bayaran muna ang utang bago mamuhunan.


Pagbabadyet

Ang paggawa ng badyet ay isa sa mga pinakamahusay na gawi sa pananalapi na maaari mong simulan, sa anumang edad. Magbibigay ito ng mas malinaw na larawan kung paano mo pinamamahalaan ang iyong pera at tutulungan kang gumawa ng mga desisyon sa pananalapi na tama para sa iyo.

Makakatulong sa iyo ang isang badyet na subaybayan ang iyong mga kita at gastusin, mapamahalaan ang mga bayarin, at malaman kung magkano ang kailangan mong ipunin upang maabot ang iyong mga layunin sa pananalapi.


Pag-iipon

Tinutulungan ka ng pag-iipon na maabot ang mga panandaliang layunin. Ang mga ito ay maaaring katamtamang pag-iipon para sa isang bagong telepono o mga tiket sa konsiyerto. O maaari itong bumuo ng isang pang-emerhensiyang pondo upang matulungan ka sa isang hindi tiyak na oras sa hinaharap.

Karaniwan, ang mga layunin sa pag-iipon ay may kasamang partikular na halaga ng pera na alam mong kailangan mong ipunin.

Halimbawa, kung gusto mong magkaroon ng pang-emerhensiyang pondo na nagkakahalaga ng tatlong buwang gastusin sa pamumuhay, magagawa mong kalkulahin iyon batay sa iyong kasalukuyang buwanang paggastos.

Maaari kang magtabi ng pera para sa ipon bawat buwan o bawat linggo, depende sa iyong daloy ng pera. Subukang gawin itong isang awtomatikong ugali sa pamamagitan ng pag-aayos ng mga direktang paglilipat mula sa isang bank account patungo sa isa pa.

Mga paraan para mag-ipon ng pera ay kinabibilangan ng:

  • Pag-aayos ng direktang deposito sa parehong araw ng iyong tseke ng suweldo
  • Paggawa ng plano sa pag-iipon para sa iyong pagsasauli ng bayad sa buwis
  • Paggamit ng mga app sa pag-iipon o mga tampok na ‘pag-round up’ sa iyong pagbabangko sa online
  • Pagkolekta ng mga natitirang perang papel at barya sa isang garapon sa katapusan ng linggo

May pakinabang ang gawing ugali ang pag-iipon. Kahit maliit na halaga ay nagdaragdag sa paglipas ng panahon.

Itago ang iyong mga ipon sa isang lugar na mabilis mong makuha kapag kailangan mo ito, ngunit sa isang ligtas na lugar pa rin, gaya ng isang savings account. Tutulungan ka ng mga account na ito na palaguin ang iyong pera sa pamamagitan ng compound interest.

Ang mga ipon at mga chequing account ay karaniwang kung saan naglalagay ang mga tao ng pera na plano nilang gastusin sa lalong madaling panahon.

Ang isang savings account ay maaaring gamitin upang magtabi ng pera para sa mga emerhensiya o upang mag-ipon para sa isang malaking bilihin. Ang isang chequing account ay maaaring gamitin para sa pang-araw-araw na paggastos o upang magbayad ng mga bayarin. Maaaring gamitin ang isang investment account para sa mga layunin ng pamumuhunan.

Kung ikaw ay wala pang 18 taong gulang, maaari kang magbukas ng savings o chequing account sa tulong ng isang magulang o tagapag-alaga. Kakailanganin mong magkaroon ng 2 pirasong katanggap-tanggap na pagkakakilanlan upang makapagbukas ng isang account. Para magbukas ng investment account, ang iyong magulang o lolo’t lola ay kailangang magbukas ng in-trust account (pinamamahalaan ng isang itinalagang tagapangasiwa) para sa iyo.

Mayroong ilang iba’t ibang uri ng mga institusyong pampinansyal na nag-aalok ng mga ganitong uring mga account:

  • Mga bangko at trust na kumpanya
  • Mga unyon ng pautang (credit union)
  • Mga kumpanya ng pamumuhunan

Mga rehistradong plano

Upang matulungan kang mag-ipon, gumawa ang Pamahalaan ng Canada ng ilang mga plano sa pag-iipon at pamumuhunan. Tinatawag na “mga rehistradong plano”, ito ay mga account na maaaring magkaroon ng cash o mga kwalipikadong pamumuhunan.

Maaaring gamitin ang mga account na ito bilang pamumuhunan na account o savings account. Ang mga ito ay hindi nilayon para sa pang-araw-araw na paggamit tulad ng isang chequing account.